Naaalala ko pa kung paano ako nagkakandasuka sa biyahe kapag lalabas ako ng Montalban, Rizal at pupunta ng Cubao. Napakahirap magbiyahe noong early 80's lalo na sa mga minsan lang maluwas na batang tulad ko. Ang dalang ng Dyip na puro sarao na may estatwang kabayo sa harap. Maamoy ko lang ang amoy ng krudo nahihilo na agad ako.
Pero kapag nasa Cubao na kami ng nanay ko, haaay ang sarap ng feeling dahil alam kong kakain na naman kami sa HONG NING habang inaantay namin ang tatay ko. Sinu ba naman ang makakalimot sa masasarap na chinese food ng Hong Ning sa tapat ng ISETANN. Napakaganda ng Cubao noong 1980's. Maluwang at maraming tao ang nagsho-shopping. Sikat na sikat ang QUEEN'S SUPERMART sa likod ng Napakalaking sinehan ng NEW FRONTIER at MCDONALD.
Masaya ako kapag kasama ko ang nanay at tatay ko. Pagkatapos ng isang nakabubusog na kainan sa chinese resto, pupunta na kami ng SM o kaya ng ALI MALL. Ang halimuyak ng airconditioning ay napakasarap amuyin lalo na't puro alikabok at usok ng gasolina ang nalanghap ko mula sa malayong biyahe. Marami kaming pinagpipiliang mall nung araw. nandyan ang FAIRMART, FARMERS PLAZA o kaya'y C.O.D. Hinding hindi ko malilimutan ang COD dahil manghang-mangha ako sa mga kumikilos na manequin na palabas dito tuwing magpapasko. Minsan naman, mamamalengke na rin ang nanay ko sa FARMERS MARKET habang kumakain kami ng hopia.
Kapag kasama ko ang mga kapatid ko, sina-sidetrip kami ng tatay ko sa mga rides ng FIESTA CARNIVAL. Lagi kaming sumasakay sa mga naggagaraang bump cars at iba pang rides. Kapag may konting oras pa, Nanonood kami ng sine. Hinding hindi ko malilimutan ang REMAR dahil dun ko unang napanood ang Superman ni Christopher Reeves (1979). Minsan sa ibang sinehan kami nanonood. Nandyan ang ALTA, OCEAN, CORONET, SAMPAGUITA, DIAMOND at ACT. Minsan nanonood kami ng mga kuya ko ng PBA sa ARANETA COLISEUM lalo na pag may laban ang Crispa at Toyota. Pagkatapos manood ng sine o Basketbol, kakain muna ulit kami sa isa pang sikat na chinese resto: ang MA MON LUK. Napakasarap humigop ng espesyal nilang Mami at malaking siopao.
Haaaay.....nakakamis ang lumang Cubao. Kahit marami ng SM malls ngayon, hindi ko pa rin maipagpapalit ang Cubao na unti-unti nang binabago, pinapadilim at pinapapangit ng panahon. Hindi kayang tumbasan ng GateWay at iba pang infrastractura ngayon ang itsura ng lumang Cubao. OLD CUBAO will always be a part of my childhood. (Mabuhay ang 70's at 80's)